Forensic experts: Pagpatay ng pulis kay Carl Arnaiz, katulad sa kaso ni Kian de los Santos

Google+ Pinterest LinkedIn Tumblr +

Lumalabas na magkahalintulad ang kaso nina Carl Angelo Arnaiz at Kian Loyd de los Santos, na parehong pinatay ng mga pulis matapos umano manlaban sa kanila.

Ayon sa Public Attorneys Office (PAO) forensic laboratory services, tinortyur at sinadya ang pagpatay kay Arnaiz, na ayon sa police report ay nangholdap umano ng taxi sa Caloocan City.

“Masasabi nating execution style ‘yung ginawa sa victim at very obvious yung intent to kill. Wala kaming nakita dun sa bumaril sa kanya na gusto siyang incapacitate lang,” ayon kay Dr. Erwin Erfe, ang hepe ng PAO forensic laboratory services.

Ayon sa mga forensic experts ng PAO, bukod sa apat na tama ng bala sa dibdib at isa sa likod ng kanang braso, lumalabas na tinortyur muna ang binatilyo bago binaril.

“Malalalim yung gasgas niya, kinaladkad siya, binugbog, magang-maga ang mga mata. Meron din kaming nakitang marka na siya ay pinosasan. Maraming marka ng posas sa kanan,” ani Dr. Efe.

Ipinunto naman ni PAO chief Atty. Persida Rueda-Acosta ang pattern sa pagpatay kina Arnaiz at de los Santos.

“Ang punto dito, buhay ito e. Bakit ganito ang pattern, parang may pagkakahalintulad ito kay Kian. Magkasunod po halos ito. Oras lang din ang pagitan niyan kung bibilangan ang 2 iyan,” ani Acosta.

Inosente

Iginiit naman ng pamilya ni Arnaiz na inosente si Carl Angelo, at hindi holdaper na ipinapalabas ng mga pulis.

Nagtapos si Arnaiz bilang valedictorian sa elementary school, nakapagtapos naman sa isang Science high school, at nakapag-aral pa sa University of the Philippines – Diliman.

“Masakit na masakit. Mahirap tanggapin ‘yung ganon,” ayon kay Carlito, ang ama ni Carl Angelo.

Katulad ng ina ni Kian, OFW rin sa Middle East ang ina ni Carl na si Eva. Biglang napauwi si Eva ng malaman ang sinapit ng anak.

“Sa pagkakakilala ko sa kanya, hindi niya kayang gawin yun,” ani Eva.

Labis ang galit ng mga magulang ni Carl sa mga pulis na pumatay dito.

“Parang mga anak ng demonyo walang awang pumatay,” ani Carlito.

“Mga wala[ng]puso po sila,” ani Eva.

 

 

Share.

Leave A Reply